Nahaharap sa sentensya ang dating lider ng Seleka militia sa Central African Republic matapos mahatulan ng International Criminal Court o ICC dahil sa crimes against humanity.

Napatunayang nagkasala si Mahamat Said Abdel Kani sa apat na kaso, kabilang ang persecution at torture, kaugnay ng pag-abuso sa mga bilanggo na pinaghihinalaang mga tagasuporta ni dating Central African President Francois Bozize.

Ayon sa mga hukom ng ICC, pinangasiwaan umano ni Said at iba pang kasamahan ang pambubugbog at torture sa mga bilanggo bilang bahagi ng kampanya laban sa mga itinuturing na tagasuporta ni Bozize sa kabisera na Bangui.

Itinanggi ni Said ang mga paratang.

Ibinasura naman ng korte ang ilang war crimes charges matapos matukoy na tapos na ang armed conflict noong panahon na sinasabing nangyari ang mga krimen.

-- ADVERTISEMENT --

Hiwalay pang pagdinig ang magsasagawa para matukoy ang sentensya kay Said.

Siya ang kauna-unahang miyembro ng Seleka na nahatulan ng ICC.

Dalawa namang lider ng anti-Balaka militia ang dati nang nahatulan ng korte kaugnay ng karahasan sa Central African Republic.