Sentensyado ng 30 araw sa ilalim ng electronic home monitoring si dating Seattle SuperSonics All-Star Shawn Kemp, kasunod ng kanyang pag-amin sa kasong second-degree assault kaugnay ng pamamaril sa labas ng isang mall sa Tacoma, Washington noong Marso 2023.

Bukod dito, inatasan din siyang magbigay ng 240 oras ng community service sa loob ng isang taon, kasabay ng probation-style na community custody.

Nag-ugat ang insidente matapos manakawan si Kemp ng cellphone, sports memorabilia, at iba pang gamit mula sa kanyang truck.

Natunton niya ang kanyang cellphone sa loob ng isang Toyota 4Runner at sinabi niyang pinaputukan siya ng isa sa mga sakay nito, dahilan para gumanti siya ng putok bilang pagtatanggol sa sarili.

Ayon sa mga imbestigador, apat na putok ang pinakawalan ni Kemp, tatlo ang tumama sa 4Runner, at isa naman sa ibang sasakyan. Wala namang nasaktan sa naturang insidente.

-- ADVERTISEMENT --

Aminado si Kemp, 55, na mas mabuting nagpakita siya ng mas maayos na pagdedesisyon at sana’y tumawag na lamang siya ng pulis imbes na akuin ang batas sa kanyang mga kamay.

Sa labas ng korte, nagpahayag siya ng intensyong tumulong sa komunidad at maging tagapagsalita para sa adbokasiya ng gun safety.

Walang naitalang kriminal na rekord si Kemp bago ang insidente.

Sa kanyang karera sa NBA, naglaro siya ng 14 na season at unang napili ng SuperSonics noong 1989.

Nakilala siya bilang “Reign Man” at nagtala ng career average na 14.6 points, 8.4 rebounds, at 1.2 blocks kada laro. Anim na sunod na beses din siyang naging All-Star mula 1993 hanggang 1998.