
Naaresto si Ryan Wedding, isang Canadian at dating Olympic snowboarder na umano’y naging drug kingpin, sa Mexico at dinala sa Estados Unidos para harapin ang kasong cocaine trafficking at murder.
Sinabi ni FBI chief Kash Patel, nasa “Ten Most Wanted Fugitives” list ng FBI si Wedding, 44 anyos, at kamakailan ay nag-alok ang US State Department ng $15 million na pabuya sa mga impormasyon para sa kanyang ikadarakip.
Ayon kay Patel, mula sa pagiging Canadian snowboarder ay itinuring siyang pinakamalaking narco trafficker ngayong modernong panahon.
Sinabi niya na siya ang modernong El Chapo at Pablo Escobar.
Ayon kay Patel na nagpapasok si Wedding at kanyang organisasyon na Sinaloa Cartel ng narcotics sa North America at pumatay ng maraming kabataan.
Sinabi ni Patel na naaresto si Wedding na may mga alyas na “El Jefe,” “Giant” at “Public Enemy” sa Mexico City.
Ayon kay Patel, si Wedding ay pinaniniwalaan na nagtago sa Mexico ng mahigit isang dekada at wanted siya sa cocaine trafficking at murder buhat noong 2024.
Sinabi naman ni Akil Davis, assistant director ng FBI sa Los Angeles field office, inaasahang haharap sa korte si Wedding sa Lunes.
Inakusahan si Wedding ng pagpupuslit ng nasa 60 metric tons ng cocaine mula Colombia sa pamamagitan ng Mexico papasok ng Estados Unidos at sangkot sa maraming pagpatay ng mga biktima at mga testigo.










