Isiniwalat ng Philippine Amusement and Gaming Corp. (Pagcor) na isang retired chief ng Philippine National Police ang kasama sa law enforcement officers na umano ay nasa “monthly payroll” ng Philippine offshore gaming operators (Pogos).

Sa pagdinig ng Senado tungkol sa Pogos, sinabi ni senior vice president Raul Villanueva, senior vice president ng Pagcor na may narinig alingasawa sa intelligence community na isang dating mataas na opisyal ng PNP ang tumatanggap ng suhol para protektahan ang illegal online gaming business.

Gayonman, inamin ni Villanueva, isang retiradong heneral, na kailangan pa nilang beripikahin ang intelligence information.

Sinabi ni Villanueva sa tanong ni Senator Risa Hontiveros na sinabi sa kanya ng National Intelligence Coordinating Agency na wala silang report sa nasabing usapin.

Pinilit naman ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada si Villanueva na pangalanan ang nasabing dating opisyal ng PNP, dahil hindi naman umano patas ito sa mga dating PNP Chiefs na posibleng madamay sa nasabing issue.

-- ADVERTISEMENT --

Subalit, sinabi ni Villanueva na wala siyang hawak na pangalan.