Nilinaw ni dating Philippine National Police (PNP) chief Senador Ronald Bato Dela Rosa na walang problema sa kanya ang pagharap sa Kamara.

Ito ay matapos ang pag-apruba ng House Human Rights Committee sa imbitasyong naglalayong ipatawag siya at maging sina dating pangulong Rodrigo Duterte at dating senador Leila De Lima sa Kamara upang dumalo sa imbestigasyon ng naging war on drugs noong panahon ng administrasyong Duterte.

Ngunit sa kabila nito, sinabi niyang hindi siya dadalo sa pagdinig bilang pagsunod sa payo ni Senate President Chiz Escudero lalo na’t hindi umano niya ito pwedeng isantabi bilang miyembro siya ng institusyon.

Ayon kay Escudero, mayroong inter-chamber courtesy sa pagitan ng Kamara at Senado na nagbibigay ng kapangyarihan sa kanila na imbitahan ang isa’t isa sa sari-sariling pagdinig ngunit hindi ito pwedeng gawing compulsory.

Alinsunod nito, napag-alaman umano ni Escudero ang posisyon ni Dela Rosa sa ngayon na hindi pa ito handa na dumalo kaya sinuportahan niya lang ito.

-- ADVERTISEMENT --

Maalala, ayon sa Commission on Human Rights, umbit sa mahigit 20,000 ang namatay dahil sa naging drug-war killings.