Boluntaryong sumuko sa mga awtoridad ang isang dating rebelde kahapon sa Alcala, Cagayan.

Ayon sa kapulisan at kasundaluhan, ang dating rebelde ay 79-anyos, magsasaka at residente ng nasabing bayan.

Isinuko rin ng dating rebelde ang isang improvised na .45 caliber na baril, walang serial number at markings, at bala.

Sa kanyang salaysay, siya ay na-recruit ng Communist Terrorist Group (CTG) noong 1999 sa Brgy. Dalaoig, Allacapan, Cagayan matapos ang sunod-sunod na mga pulong at lecture ng grupo.

Siya ay sumailalim sa mahigpit na pagsasanay sa kabundukan ng Brgy. Carupian at Bunugan sa Baggao, Cagayan.

-- ADVERTISEMENT --

Pagkatapos ng kanyang panunumpa, naitalaga siya bilang Yunit Guerilla ng Support Unit ng KOMPROB Cagayan.

Siya rin ay nabigyan ng M16 rifle at pinadala sa mga kabundukan ng Baggao, Gattaran, at Alcala, Cagayan sa ilalim ng pamumuno ni Ka Babing.

Dahil sa matinding hirap at sakit na kanyang naranasan, nagdesisyon siyang magpaalam na makauwi sa kanilang tahanan.

Bagamat pansamantalang humiwalay, siya ay nagsilbi pa rin bilang “pasabilis” o mensahero ng grupo, at inialok pa ang kanyang tahanan bilang tagpuan ng ilang kasapi.

Ngunit sa kanyang pagtanda at pagnanais ng kapayapaan, nagpasya siyang isuko ang kanyang armas at tuluyang kumalas sa kilusan.

Siya ay sinamahan ng Composite CTG Tracker Team sa Alcala Police Station para sa tactical interview at dokumentasyon.