Nanawagan ngayon ang ilan sa miyembro ng Quad Comm ng Kamara kay dating presidential spokesperson Harry Roque na sumuko na sa komite.
Ito’y matapos ibasura ng Korte Suprema ang inihain nitong petisyon para ipawalang bisa ang contempt at detention order ng komite laban sa kaniya.
Ayon kay Quad Comm co-chair Dan Fernandez mas mabuting ipresenta na lang ni Roque ang sarili sa komite ngayong ibinasura na ang kaniya sanang legal na hakbang para makaiwas sa detention.
Sa desisyon ng SC na inilabas nitong October 1, nilinaw na ang writ of amparo ay para lamang sa kaso ng extrajudcicial killings o enforced disappearances, na hindi pasok sa sitwason ni Roque.
Welcome naman para kay Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong ang desisyon na ito ng SC.
Ipinapakita lamang aniya nito na ginagawa lang ng Kamara ang kapangyarihan nito na magsagawa ng inquiries in aid of legislation at oversight.
Dagdag pa niya sa pagkilala ng SC sa contempt power ng Kongreso ay mas matitiyak ang accountability o pananagutan ng mga public official at ahensya sa tuwing magsasagawa ng pagsisiyasat.
Ipina-contempt ng komite si Roque matapos hindi pa rin isumite ang mga ipina subpoena na dokumento gayong siya mismo ang nagsabi na boluntaryo nya itong isusumite.