Tiniyak ng Malacañang na walang sasantuhin si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa kampanya laban sa katiwalian kahit pa kaibigan o kaalyado sa pulitika, tulad ni dating Senador Bong Revilla.

Ayon kay Palace Press Officer at PCO Undersecretary Claire Castro, nagulat ang pangulo nang madawit si Revilla sa kaso, lalo’t kabilang ito noon sa tiket ng administrasyon.

Gayunman, malinaw ang paninindigan ng pangulo na kapag may alegasyon ay dapat imbestigahan at walang exemption sa batas.

Giit ng Malacañang, walang palusot at walang pinoprotektahan ang administrasyon, kaalyado man o hindi.

Si Revilla ay tumakbo sa ilalim ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas noong 2025 senatorial elections ngunit nabigong manalo.

-- ADVERTISEMENT --

Nitong Lunes, naglabas ang Sandiganbayan ng warrant of arrest at hold departure order laban kay Revilla kaugnay ng P92.8 milyong flood control project sa Pandi, Bulacan.

Sumuko si Revilla sa Camp Crame kagabi bilang pagtalima sa proseso ng batas.