Pumanaw na si dating Senate President Juan Ponce Enrile sa edad na 101, nitong Nobyembre 13, 2025, alas-4:21 ng hapon.

Batay sa social media post ng kanyang anak na si Katrina Ponce Enrile, payapang namaalam ang dating senador sa kanilang tahanan, sa piling ng kanyang pamilya, alinsunod sa kanyang hiling na doon na magtapos ang kanyang buhay.

Si Enrile ay unang naospital ilang linggo bago ang kanyang pagpanaw matapos tamaan ng pneumonia, at inilagay pa sa intensive care unit (ICU) ng isang ospital para sa gamutan.

Bilang isa sa pinakamatagal na nagsilbi sa gobyerno, ginugol ni Enrile ang malaking bahagi ng kanyang buhay sa pampublikong serbisyo — mula sa pagiging ministro noong panahon ni Marcos Sr., hanggang sa pagiging Senate President at huling Chief Presidential Legal Counsel ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Kasalukuyang nagluluksa ang kanyang pamilya at humihiling ng pribadong panahon upang magdalamhati.

-- ADVERTISEMENT --