Inakusahan ng prosecution team ng International Criminal Court (ICC) si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa pagpapatupad ng tinaguriang “Davao model” sa buong bansa upang isakatuparan ang malawakang patayan sa ilalim ng kanyang administrasyon.

Ayon kay ICC Trial Lawyer Edward Jeremy, ang mga naganap na pagpaslang, partikular na ang mga nasa “narco list” o mga high-value target, ay katuparan lamang ng mga banta at pangakong binitiwan ni Duterte noong panahon ng kampanya.

Bilang bahagi ng kanilang mga ebidensya para sa kasong crimes against humanity, inilatag ng prosecution sa Pre-Trial Chamber I ang “Project Double Barrel.”

Ito ang opisyal na command memorandum ng Philippine National Police (PNP) na nagsilbing gabay sa madugong war on drugs.

Giit ng ICC, ang dokumentong ito ang nagpapatunay na mayroong sistematikong polisiya ang pamahalaan na nagresulta sa libo-libong biktima, kaya naman ginagamit ito ngayon bilang matibay na pundasyon upang panagutin ang dating pangulo sa mga alegasyon ng krimen laban sa sangkatauhan.

-- ADVERTISEMENT --