Nanawagan si Senator Bam Aquino sa Department of Budget and Management (DBM) at sa mga state universities and colleges (SUCs) na magtulungan upang masiguro ang sapat na pondo para sa tinatayang 2.27 milyong estudyanteng mag-eenroll sa 2026.
Sa pagdinig ukol sa budget ng SUCs, lumabas mula sa ulat ng Philippine Association of State Universities and Colleges (PASUC) na tataas ng halos 300,000 ang bilang ng mga estudyante mula sa kasalukuyang 1.97 milyon.
Gayunpaman, lumitaw na kulang ang alokasyon ng DBM, na nagdudulot ng tinatayang P3.29 bilyong kakulangan sa pondo para sa susunod na taon.
Bilang pangunahing may-akda ng Free College Law o Universal Access to Quality Tertiary Education Act (RA 10931), iginiit ni Aquino na dapat magtugma ang enrollment projections at ang pondo para sa libreng edukasyon upang hindi maapektuhan ang pagdami ng mga estudyanteng makikinabang dito.
Tiniyak din ng senador na isusulong ng Senate committee on basic education ang pagbabalik ng P12.3 bilyong kulang sa budget ng SUCs upang matustusan ang capital outlay, maintenance and other operating expenses (MOOE), at personal services sa 2026.