Inaprubahan ng Department of Budget and Management (DBM) ang P1 bilyong pondo para sa pagtatayo ng Child Development Centers (CDCs) sa mga low-income na lokal na pamahalaan (LGUs) sa buong bansa.
Ayon kay Budget Secretary Amenah Pangandaman, ang hakbang ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Marcos na mag-invest sa edukasyon at human capital development.
Pinangunahan ni Pangulong Marcos ang seremonya ng paglagda ng Joint Circular sa Malacañang noong Abril 3, at sinabi niyang ang CDCs ay magbibigay ng matibay na pundasyon sa mga bata na magiging daan para sa pag-unlad ng bansa.
Ipinahayag din ng Pangulo na 328 LGUs ang makikinabang mula sa pondo para sa early childhood care ngayong taon, kabilang na ang mga LGUs sa Luzon, Visayas, at Mindanao, pati na ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Ang Joint Circular ay nilagdaan ng Department of Education (DepEd) at DBM at nagbibigay ng mga gabay sa LGUs para itayo ang mga CDCs gamit ang Local Government Support Fund-Financial Assistance to LGUs.
Layunin ng CDCs na matulungan ang mga bata bago pumasok sa paaralan sa pamamagitan ng mga early learning programs, family support services, at research sa child development.
Samantala, ang mga low-income LGUs na makikinabang ay tinukoy at vinalidate batay sa ulat ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II).