Inaprubahan ni Budget Secretary Amenah “Mina” Pangandaman ang pagpapalabas ng P30.409 bilyon upang matugunan ang mga regular na pensyon ng mga miyembro ng military at uniformed personnel (MUP) sa unang kuwarter ng 2025.
Ang hakbang ay bahagi ng pagtugon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. upang matiyak ang patuloy na suporta sa mga retiradong kawani ng gobyerno.
Ang P30.409 bilyon ay kukunin mula sa Pension and Gratuity Fund (PGF) na nakalaan sa ilalim ng Republic Act (RA) No. 12116 o ang FY 2025 General Appropriations Act (GAA).
Para sa Armed Forces of the Philippines (AFP), P16.752 bilyon ang inilabas, kasama na ang pondo para sa General Headquarters-Proper at Philippine Veterans Affairs Office (PVAO) ng Department of National Defense (DND).
Samantala, P13.297 bilyon ang inilabas para sa mga ahensya ng Department of Interior and Local Government (DILG), kabilang ang Philippine National Police (PNP), Bureau of Fire Protection (BFP), Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), at National Police Commission (NAPOLCOM).