Tiniyak ng Department of Budget and Management o DBM na may sapat na pondo na maaaring agad gamitin para sa pagtugon sa epekto ng magnitude 7.8 na lindol na tumama sa Mindanao.

Ayon sa DBM, nananatiling available ang Quick Response Funds o QRFs ng mga ahensiyang may kinalaman sa disaster response at maaari itong agad ilaan para sa relief at emergency operations sa mga apektadong lugar.

Sinabi rin ng kagawaran na handa itong magbigay ng karagdagang suportang pinansyal sakaling mangailangan ang mga concerned agencies ng dagdag na pondo para sa tuluy-tuloy na pagbibigay ng ayuda sa mga naapektuhang komunidad.

Patuloy din umanong nakikipag-ugnayan ang DBM sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan upang matiyak na agad na matutugunan ang mga pangangailangan ng mga biktima ng lindol.

Matatandaang naitala ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology o PHIVOLCS ang magnitude 7.8 na lindol alas-7:37 ng umaga sa karagatan malapit sa Sarangani.

-- ADVERTISEMENT --

Naitala ang Intensity VII sa General Santos City habang umabot naman sa Instrumental Intensity VIII sa Malapatan, Sarangani.

Nagpalabas din ng tsunami warning ang PHIVOLCS para sa ilang baybaying lugar dahil sa posibilidad ng pagtaas ng alon na higit sa isang metro mula sa normal na antas ng dagat.

Samantala, iniulat ng Philippine National Police na may naitalang tatlong nasawi at apat na sugatan sa rehiyon ng Soccsksargen, habang ilang gusali kabilang ang mga ospital at paaralan ang nagtamo ng pinsala dulot ng malakas na lindol.