Nasa P580.5 milyon mula sa P6.326 trilyong pambansang badyet para sa taon 2025 ang ilalaan sa National Tobacco Administration (NTA) upang suportahan ang Tobacco Industry Development Program, ayon kay Budget Secretary Amenah Pangandaman sa ikalawang International Tobacco Summit noong Lunes.

Ayon kay Pangandaman, inaprubahan at nilagdaan ng Pangulo noong Disyembre 30, 2024, ang P6.326 trilyong pambansang badyet para sa Fiscal Year 2025, na nilikha upang tugunan ang ating mga kasalukuyang pangangailangan, mapanatili ang pag-unlad, at mapabuti ang kalagayan ng mga susunod na henerasyon.

Binigyang-diin niya na nananatiling prioridad ng pamahalaan ang sektor ng agrikultura, kung saan naglaan ng malaking pondo upang ma-modernisa ang industriya, lalo na ang industriya ng tabako.

Mula sa P580.5 milyong alokasyon, P100 milyon ang inilaan para sa Tobacco Farmers Production Assistance Program, ayon sa kalihim ng Department of Budget and Management (DBM).

Ayon kay Pangandaman, layunin nitong “pahusayin ang pandaigdigang kompetitibo ng lokal na industriya ng tabako sa pamamagitan ng pananaliksik at pag-develop ng teknolohiya, pagsuporta sa produksyon, at mga hakbang na magpapaunlad sa mga polisiya.”

-- ADVERTISEMENT --

Isa pang P100 milyon ang inilaan para sa Curing Barn Assistance Project, na magsusuporta sa konstruksyon at pagsasaayos ng mga curing barn at shed.

Binanggit din ni Pangandaman ang iba pang mga inisyatiba na layong tulungan ang mga magsasaka, tulad ng Agricultural Credit Program, na nakatanggap ng P2.75 bilyon para magbigay ng mababang interes na pautang sa maliliit na magsasaka at mangingisda.

Idinagdag pa niya na ang gobyerno ay naglaan din ng P4.5 bilyon para sa Crop Insurance Program upang masakop ang mga premium para sa mga pananim, hayop, pangingisda, at mga hindi pananim na agrikultural na ari-arian.