Umaasa si Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah Pangandaman na sinimulan na ng Department of Health ang pagbabayad ng Health Emergency Allowance (HEA) ng mga hindi pa nababayarang claims ng mga healthcare workers.
Sinabi ng Kalihim sa kanyang pagbisita sa Tuguegarao City, naibigay na ang Special Allotment Release Order (SARO) at Notice of Cash Allocation sa DOH na nagkakahalaga ng P27.4B upang mabayaran ang natitirang validated unpaid HEA at COVID-19 Sickness and Death Compensation claims ng mga karapat-dapat na healthcare at non-healthcare worker.
Matatandaang una nang nagbaba ang DBM ng P91.2B sa DOH para sa Public Health Emergency Benefits and Allowances at benepisyo para sa mga health worker mulang 2021 hanggang 2023 kung saan ang P73.2B dito ay para sa HEA.
Sa ilalim nito ay matutugunan ang Special Risk Allowance (SRA), kompensasyon para sa COVID-19 sickness at death, at karagdagang benepisyo tulad ng meals, accommodation, at transportation allowances para sa mga healthcare worker
Samantala, nakatakdang isumite ng DBM sa Kongreso ang panukalang P6.3 trilyon national budget para sa 2025 na may 10.1% na pagtaas kumpara sa 2024 budget, pagkatapos ng ikatlong State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sinabi ni Pangandaman, pinakamalaking pondo ang inilaan sa sektor ng edukasyon, imprastruktura at agriculture sector.