Itinuro ni PNP Chief Gen. Nicolas Torre III ang mga DDS vloggers at trolls na umano’y patuloy na nagpapakalat ng maling impormasyon at video upang sirain ang imahe ng bansa at ng gobyerno.
Kabilang dito ang pagkalat ng mga pekeng balita sa social media na nagpapakita ng mga insidente na pinalalabas na naganap sa Pilipinas ngunit sa katunayan ay sa ibang bansa nangyari.
Ayon kay Gen. Torre, malinaw na taktika ito ng mga kritiko ng pamahalaan upang siraan ang imahe ng bansa at palabasin na wala nang kaayusan at kapayapaan sa Pilipinas.
Isa sa mga halimbawa ang video na ipinost sa isang vlog kung saan makikitang may mga kabataan na naglagay ng upuan sa gitna ng kalsada.
Subalit, kalaunan ay natukoy ng PNP na sa Indonesia nangyari ang insidente.
Binanggit din niya ang isa pang viral video kung saan makikitang may pananaksak at pananaga.
Batay sa isinagawa imbestigasyon, nire-upload ito ng isang Kerwin Salvador dela Cruz ngunit natukoy na sa Vietnam naganap ang insidente.
Kasama rin sa mga pinuna ni Torre ang isang video ng umano’y pambubully sa estudyante na pinalabas na naganap sa bansa.
Umabot na ito sa mahigit 17,000 views at umani ng maraming reaksiyon mula sa mga netizens na bumabatikos sa PNP at Department of Education.
Ngunit natuklasan din na sa Indonesia ito naganap batay sa mga markings sa t-shirt ng mga sangkot.
Ang mga gumagawa at nagpapakalat aniya nito ay pananagutin nila sa batas.