Iginiit ni House Senior Deputy Minority Leader at Mamamayang Liberal Party-list Rep. Leila de Lima na hindi paglabag sa Bank Secrecy Law o anumang batas ang impeachment proceedings ng House Committee on Justice na tumatalakay sa umano’y “suspicious and covered” financial transactions ni Vice President Sara Duterte.

Pahayag ito ni De Lima matapos sabihin ng kampo ng asawa ng Bise Presidente na si abogado Manases Carpio na magsasampa sila ng kasong kriminal laban sa ilang opisyal ng Bangko Sentral ng Pilipinas, Anti-Money Laundering Council, at ilang mambabatas dahil sa umano’y paglabag sa batas kaugnay ng paglabas ng banking records.

Ayon kay De Lima, karapatan ni Carpio na magsampa ng kaso, ngunit sa panig ng Kamara, malinaw na ang impeachment ay isang natatanging proseso at hindi sakop ng Bank Secrecy Law.

Ipinaliwanag niya na ang mga dokumentong tinalakay ng komite ay galing sa Anti-Money Laundering Council at hindi direktang bank accounts, at ang mga covered at suspicious transaction reports ay required ipasa ng mga institusyon sa ilalim ng Anti-Money Laundering Act.

Giit pa ng mambabatas, ang mga ebidensyang lumalabas sa impeachment ay bahagi ng accountability process at hindi maaaring ituring na ilegal na paglabas ng impormasyon.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, sinabi ni House Human Rights Committee Chair Rep. Bienvenido Abante Jr. na dapat humarap si Vice President Duterte sa pagdinig sa Abril 29 kung wala siyang itinatago.

Dagdag naman ni House Public Accounts Chair Rep. Terry Ridon, may sapat na batayan na umano para sa probable cause ng impeachment at posibleng umusad ito sa plenaryo at sa Senado kung makakuha ng kinakailangang boto sa Kamara.