Bukas ang House Committee on Dangerous Drugs sa muling pag-aaral ng muling pagpapatupad ng parusang kamatayan sa bansa, partikular para sa mga sangkot sa malakihang operasyon ng ilegal na droga.

Ayon kay House Committee on Dangerous Drugs Chairman at Bukidnon Representative Jonathan Keith Flores, maaaring pagbasehan ang bigat ng kaso gaya ng pagpupuslit ng tone-toneladang ilegal na droga sa pagtalakay ng parusang kamatayan.

Gayunpaman, nilinaw niyang hindi dapat isama rito ang mga small-time drug pushers, at dapat itutok sa rehabilitasyon ang mga drug dependents.

Ipinunto rin ng mambabatas ang kahalagahan ng mas epektibong operasyon at koordinasyon ng Philippine National Police (PNP) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa paglaban sa droga.

Dagdag pa ni Flores, malalim ang ugnayan ng problema sa ilegal na droga sa matagal nang suliranin ng kahirapan sa bansa.

-- ADVERTISEMENT --

Kaya’t kinakailangan umano ng mas malawak at mas sistematikong tugon.

Inihayag din ng kongresista na hihiling siya ng isang opisyal na briefing mula sa PDEA upang lubos na maunawaan ang kasalukuyang kalagayan ng illegal drug trade sa Pilipinas, bilang gabay sa paghahain ng mga kinakailangang batas.