Umabot na sa 34 ang naitalang nasawi sa paghagupit ng Bagyong Carina at Habagat ayon sa Philippine National Police.

Ayon kay Philippine National Police Public Information Office Chief Pcol. Jean Fajardo batay ito sa paunang datos ng kanilang mga first responders.

Base sa kanilang datos, ang 11 nasawi ay mula sa National Capital Region (NCR), siyam mula sa Region 3, 12 sa CALABARZON at dalawa sa Region 5.

Karamihan sa mga nasawi ay dahil sa pagkalunod na umabot sa 22 na sinundan naman ng 6 na natabunan ng lupa, lima ang nakuryente at isa ang nabagsakan ng puno.

Nakapagtala din ang PNP ng 18 sugatan at 6 na nawawala.

-- ADVERTISEMENT --

Paglilinaw ni Fajardo, dadaan pa sa beripikasyon ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ang kanilang datos dahil base sa pinakahuling pagtaya ng ahensiya 14 pa lamang ang kanilang naitatalang nasawi.

Samantala, tuloy-tuloy naman ang rescue and relief efforts ng PNP sa Metro Manila, Ilocos Region, Central Luzon, CALABARZON at Bicol Region.