Umakyat na sa 19 ang bilang ng mga nasawi sa naganap na landslide sa sanitary landfill sa Barangay Binaliw, Cebu City, habang 17 katao pa ang patuloy na nawawala, ayon sa mga awtoridad nitong Miyerkules ng hapon.

Anim na karagdagang bangkay ang narekober ng mga rescuer, dahilan upang tumaas ang death toll mula sa naunang ulat.

Nanatili pa ring nasa search and rescue phase ang operasyon at hindi pa ito inililipat sa search and retrieval, dahil may mga indikasyon pa umano ng posibleng buhay sa ilalim ng gumuhong basura at lupa.

Nakatuon ang operasyon sa apat na tinukoy na lugar, subalit pansamantalang itinitigil ang paghahanap tuwing umuulan upang masiguro ang kaligtasan ng mga rescuer.

Samantala, nangako ang operator ng landfill na susunod sa cease and desist order na ipinalabas ng Department of Environment and Natural Resources, na nag-uutos na ihinto ang operasyon ng pasilidad maliban sa mga aktibidad na may kaugnayan sa rescue, retrieval, at cleanup.

-- ADVERTISEMENT --

Patuloy namang umaasa ang mga awtoridad na matagpuan pa ang mga nawawala habang isinasagawa ang masusing paghahanap.