Umakyat na sa 71 ang bilang ng mga nasawi sa magnitude 6.9 na lindol na tumama sa Cebu noong Setyembre 30, ayon sa pinakahuling ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong Linggo.
Ayon sa NDRRMC, kasalukuyang bineberipika pa ang bilang ng mga nasawi at 559 sugatan, habang wala namang naiulat na nawawala.
Tinatayang 128,464 pamilya o katumbas ng 455,631 katao ang naapektuhan ng malakas na lindol. Sa bilang na ito, 405 pamilya o 1,205 indibidwal ang kasalukuyang nanunuluyan sa apat na evacuation center, habang 7,942 pamilya o 25,291 katao naman ang tinutulungan sa labas ng mga pansamantalang silungan.
Ang Bogo City, na siyang episentro ng lindol, ang may pinakamataas na bilang ng mga apektadong residente — umaabot sa 27,967 pamilya o 90,187 katao.
Aabot naman sa 18,154 kabahayan ang nasira, kung saan 12,644 dito ay mula sa bayan ng San Remigio.
Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), umabot na sa 5,540 ang naitalang aftershocks mula nang tumama ang lindol, na may lakas mula magnitude 1.0 hanggang 5.1. Sa bilang na ito, 24 ang naramdaman at 1,083 ang naitala sa mapa.
Kinilala rin ng Phivolcs ang fault line na nagdulot ng lindol — ang inland extension ng tinatawag na Bogo Bay Fault sa Sitio Looc, Barangay Nailon, Bogo City, kung saan natagpuan ng kanilang quick response team ang mga bitak at pressure mounds sa paligid ng 2 metrong lapad na deformation zone.