
Umakyat na sa 42 ang bilang ng mga nasawi sa paglubog ng barkong M/V Trisha Kerstin 3 matapos makarekober ng dalawa pang bangkay ang Philippine Coast Guard (PCG) sa karagatang sakop ng Baluk-Baluk Island, Basilan nitong Lunes.
Sa isang pahayag, sinabi ng PCG na patuloy ang kanilang search and rescue (SAR) operations sa lugar kung saan naganap ang insidente.
Nanatili naman sa 316 ang bilang ng mga survivor mula sa lumubog na sasakyang-dagat.
Sa koordinasyon ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), agad na nagtungo ang BRP Capones sa Mataja Island upang dalhin ang mga bangkay para sa identipikasyon at wastong disposisyon.
Ang M/V Trisha Kerstin 3 ay bumiyahe mula sa Port of Zamboanga City patungong Jolo, Sulu noong Enero 25, ngunit lumubog sa karagatang sakop ng Basilan noong Enero 26.
Samantala, inihayag ng Department of Transportation (DOTr) na ipinag-ground muna ang buong fleet ng Aleson Shipping Lines habang isinasagawa ng mga awtoridad ang isang maritime safety at inspection audit kaugnay ng insidente.










