Umakyat na sa 111 katao ang bilang nang nasawi matapos tumama ang magnitude 7.4 na lindol sa kanlurang bahagi ng Colombia nitong Lunes.

pumalo naman sa 87 iba pa ang nasugatan, habang patuloy ang rescue operation sa mga taong posibleng na-trap sa ilalim ng mga gumuhong gusali sa iba’t ibang lungsod.

Sa datos ng U.S. Geological Survey may lalim na 107 kilometro ang lindol malapit sa San Jose del Palmar, lalawigan ng Chocó.

Malakas na naramdaman ang pagyanig maging sa ilang malalaking lungsod sa buong bansa.

Ito ang unang malaking krisis na kahaharapin ng bagong administrasyon ni Colombia President Abelardo De La Espriella, ilang araw lamang matapos siyang manumpa sa puwesto.

-- ADVERTISEMENT --

Dahil dito, idineklara na ni De La Espriella ang national state of emergency at sinabi na nakahanda ang buong pamahalaan upang magsagawa ng rescue operations at maghatid ng tulong sa mga apektadong komunidad.

Aniya, pangunahing prayoridad ng kanyang administrasyon ang mailigtas ang mga taong na-trap sa ilalim ng mga gumuhong istruktura.

Naging mas sensitibo rin ang sitwasyon dahil sariwa pa sa rehiyon ang epekto ng malalakas na lindol na tumama sa kalapit na bansang Venezuela noong Hunyo.