Umabot na sa 45 ang bilang ng mga nasawi sa Mindanao matapos ang magnitude 7.8 na lindol noong Hunyo 8, 2026, ayon sa pinakahuling ulat ng Office of Civil Defense.

Kabilang sa mga bagong naitalang biktima ang pito mula sa bayan ng Jose Abad Santos at isa mula sa Malita sa Davao Occidental.

Bukod dito, 17 katao pa ang iniulat na nawawala, kabilang ang apat mula sa Glan, Sarangani at apat mula sa General Santos City.

Mahigit 450 indibidwal naman ang sugatan at tinatayang 35,673 pamilya mula sa 199 barangay sa Regions 11, 12, 9, at BARMM ang naapektuhan ng kalamidad.

Patuloy ang search and rescue operations kung saan mahigit 3,700 uniformed personnel mula sa Philippine Army, PNP, BFP, at Coast Guard ang nakadeploy, gamit ang 21 air at sea assets para sa relief at transport ng supplies.Philippine Politics News

-- ADVERTISEMENT --

Naitala rin ang pinsala sa 3,169 kabahayan, kabilang ang 528 na tuluyang gumuho, at tinatayang P562.8 milyon ang halaga ng pinsala sa imprastruktura gaya ng 29 kalsada, 11 tulay, at pasilidad sa General Santos Airport.

Mahigit 1,953 aftershocks ang naitala mula Hunyo 8 hanggang Hunyo 10, na may lakas mula magnitude 1.2 hanggang 6.4. Dahil dito, nananatiling suspendido ang klase sa Regions 11 at 12, pati na rin sa ilang bahagi ng Region 9 at BARMM.

Nag-deploy ang Department of Information and Communications Technology ng Starlink satellite internet units upang matugunan ang problema sa komunikasyon sa mga liblib na lugar. Samantala, nakapagbigay na ang Department of Social Welfare and Development ng halos P4.8 milyon halaga ng pagkain at non-food items sa mga apektadong pamilya.

Patuloy na pinaaalalahanan ang publiko na maghanda ng go-bag, alamin ang evacuation routes, at makinig sa opisyal na abiso ng OCD at PHIVOLCS. Pinapayuhan din ang mga residente na maging alerto sa aftershocks at posibleng lokal na tsunami.