Umakyat na sa walo ang bilang ng mga nasawi matapos ang magkasunod na malalakas na lindol na yumanig sa Manay, Davao Oriental noong Biyernes, ayon sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong Linggo ng umaga.

Ayon sa pinakabagong ulat ng NDRRMC, lahat ng naitalang nasawi ay mula sa Rehiyon ng Davao. Kabilang sa mga namatay ang tatlong minero sa bayan ng Pantukan, Davao de Oro, matapos gumuho ang lupa sa isang minahan kasabay ng pagyanig. Tumama sa kanila ang mga nagbagsakang malalaking bato na naging sanhi ng kanilang pagkamatay.

Sa kasalukuyan, umaabot na sa 395 ang bilang ng mga nasugatan mula sa mga rehiyon ng Davao at CARAGA. Walang napaulat na nawawala sa insidente, ngunit patuloy pa ring bineberipika ang datos ng mga lokal na awtoridad.

Apektado rin ang humigit-kumulang 125,283 pamilya o katumbas ng 491,258 katao. Sa bilang na ito, 1,939 pamilya o 8,440 katao ang pansamantalang nanunuluyan sa 14 na evacuation center.

Tinatayang nasa ₱100.26 milyon ang halaga ng napinsalang imprastruktura sa mga apektadong rehiyon. Umabot sa 273 na imprastruktura ang naiulat na nasira, kabilang ang 32 na seksyon ng kalsada at 7 tulay. Sa kasalukuyan, 5 sa mga kalsada at 3 tulay ang nananatiling hindi madaanan.

-- ADVERTISEMENT --

Nilinaw rin ng PHIVOLCS na ang dalawang lindol na tumama sa Manay ay hindi magka-aftershock, kundi tinatawag na “doublet” – dalawang lindol na magkasunod at magkalapit sa lokasyon.

Patuloy ang isinasagawang relief operations at rehabilitasyon ng pamahalaan sa mga lugar na matinding naapektuhan ng sakuna.