Patuloy na nagsasagawa ng decontamination ang Bureau of Fire Protection (BFP) sa mga pampublikong lugar at mga dumadaang sasakyan sa mga quarantine control point sa Cagayan kontra sa COVID-19.
Sa panayam ng Bombo, sinabi ni Fire Inspector Jesus Palmes III, tagapagsalita ng BFP-RO2 na katuwang ng ahensiya ang lokal na pamahalaan sa pagsasagawa ng decontamination activities sa mga matataong lugar tulad ng palengke at ospital.
May mga BFP-personnel din na naka-deploy sa mga quarantine checkpoint, bilang kaagapay ng pulisya, militar, Department of Public Works and Highways (DPWH), kawani ng Department of Health at iba pang ahensiya na nagsasagawa ng thermal body temperature scanning, maliban pa sa pagsasagawa ng disinfection sa mga dumadaang sasakyan.
Samantala, sinabi Palmes na hinati sa dalawang batch ang kabuuang 1,408 BFP personnel sa rehiyon.
Sa kasalukuyan ay nakaduty na ang 2nd batch na hinati sa dalawang shift kada araw habang ang 1st batch ay naka-home quarantine na sa ngayon.
Tiniyak din ni Palmes na may mga naka-duty na personnel sa bawat BFP station na reresponde sa anumang insidente ng sunog.
Ayon kay Palmes, kumpleto sa kailangang safety equipment, maging mga vitanims ang kanilang mga personnel.