
Tinawag ni House impeachment trial spokesperson at Kabataan Party-list Rep. Renee Co na “tunog lata” ang pre-trial brief ni Vice President Sara Duterte sa kanyang impeachment case, dahil kulang umano ito sa substansya at hindi direktang sinagot ang mga pangunahing alegasyon laban sa kanya.
Ayon kay Co, nabigo ang depensa na magbigay ng malinaw na paliwanag hinggil sa umano’y maling paggamit ng confidential funds, hindi maipaliwanag na yaman, katiwalian, at mga banta laban sa matataas na opisyal ng pamahalaan.
Sinabi rin ni Co na nakasaad sa pre-trial brief na maghahain ang depensa ng mga testigo at dokumento upang pabulaanan ang mga alegasyon, ngunit walang detalyeng ipinaliwanag kung paano ito gagawin.
Binanggit din ni Co ang usapin ng mga acknowledgment receipt na may pangalang “Mary Grace Piattos,” na ayon sa sertipikasyon ng Philippine Statistics Authority (PSA) ay walang rekord sa kanilang database.
Nakatakdang simulan ng Senate impeachment court ang paglilitis sa Hulyo 6 matapos makumpleto ang pre-trial process.
Binigyang-diin din ni Co na hindi sineseryoso ng depensa ang proseso.




