Nag-inspeksyon sina Defense Secretary Gilbert Teodoro at AFP Chief of Staff Gen. Romeo Brawner, kasama ang mga pangunahing opisyal ng militar, sa Lumbia Air Base sa Cagayan de Oro City.
Bilang isa sa siyam na itinalagang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) sites sa bansa na binubuo ng mga proyekto ng militar ng Estados Unidos, isang Humanitarian Assistance and Disaster Relief (HADR) warehouse ang itinatayo sa lugar.
Kapag natapos aniya, inaasahan na makakatulong ang pasilidad sa mabilis na pagpapadala ng mga mahahalagang suplay para sa mga field missions at mga operasyon ng humanitarian assistance.
Sinuri din nina Teodoro at Brawner ang lokasyon ng dalawang iba pang approved na EDCA projects sa Lumbia, ang air traffic control tower at ilang bahagi ng runway ng airfield.
Kasama ni Teodoro sa inspeksyon si Defense Undersecretary for Acquisition and Resource Management, Salvador Melchor Mison Jr.
Binanggit ni Teodoro ang estratehikong kahalagahan ng Lumbia bilang isa sa mga pangunahing operating bases ng AFP upang suportahan ang iba’t ibang misyon ng militar sa Mindanao.
Ayon sa Department of National Defense, ang patuloy na mga proyekto sa Lumbia, bukod pa sa mga proyekto ng EDCA, ay inaasahang magpapalakas sa operational effectiveness ng Lumbia Air Base, upang mapaigting ang kapasidad nito sa pag-accommodate ng air reserve forces at magbigay ng mahahalagang suporta sa mga HADR operations sa mga oras ng emergency sa Mindanao.
Ang EDCA ay nagbibigay-daan para sa magkasanib na paggamit ng AFP at US forces, pati na rin ang pag-access sa mga napagkasunduang lokasyon sa Pilipinas sa ilalim ng Mutual Defense Treaty at Visiting Forces Agreement.