
Nanawagan si Negros Oriental 3rd District Rep. Janice Degamo ng paglilinaw sa ulat na bumisita umano si Sara Duterte kay Arnolfo Teves Jr. sa Camp Bagong Diwa noong huling bahagi ng 2025.
Ayon kay Degamo, mahalagang maipaliwanag ito lalo na’t si Teves ang itinuturong utak sa pagpaslang sa kanyang asawa na si dating Negros Oriental Gov. Roel Degamo.
Sa pagdinig ng House Committee on Justice, iginiit ni Degamo na dapat magbigay ng malinaw na sagot ang Bise Presidente, kasunod ng mga ulat na maaaring may kaugnayan ang pagbisita sa umano’y tangkang pananakit kay Ramil Madriaga, isang testigo sa impeachment proceedings na nakakulong din sa naturang pasilidad.
Samantala, sinabi ni NBI Director Melvin Matibag ng National Bureau of Investigation na base sa kanilang imbestigasyon, dalawang beses umanong nagtungo si VP Sara sa kampo. Una umano nitong sinubukang bisitahin si Madriaga ngunit tumanggi itong humarap.
Dagdag ng NBI, patuloy pa nilang iniimbestigahan ang ulat ng umano’y tangkang pananakit kay Madriaga sa loob ng kulungan.









