Nilinaw ng Department of Agriculture (DA) na walang shortage sa suplay ng bigas sa kabila ng planong ideklara ang food security emergency.

Sinabi ni DA Assistant Secretary Arnel de Mesa na sa Republic Act 12078, na nag-amyenda sa Rice Tariffication Law, tinukoy ang dalawang pangunahing grounds para magdeklara ang DA Secretary ng food security emergency gaya ng shortage sa supply at kakaibang pagtaas sa presyo ng bigas.

Nauna nang sinabi ni Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na ang DA ay magdedeklara ng “food security emergency for rice” bago matapos ang Enero para tugunan ang tumataas na retail prices ng bigas.

Ito ay kasunod ng pag-apruba ng National Price Coordinating Council sa resolusyon na humihimok sa DA na magdeklara ng emergency dahil sa patuloy na pagiging mataas ng presyo ng bigas sa kabila ng pagbaba ng global rice costs at tariff reductions na ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.