
Mariing itinanggi ng Department of Budget and Management (DBM) ang mga ulat na may pagkaantala sa umento ng sahod ng mga military at uniformed personnel (MUPs), at iginiit na ganap na funded ang kanilang salary increase at pensyon sa panukalang pambansang badyet para sa 2026.
Ayon sa DBM, ang sinasabing tinanggal na pondo sa ilalim ng unprogrammed appropriations ay inilipat lamang mula sa Miscellaneous Personal Benefit Fund patungo sa kani-kanilang ahensiya upang mas maging direkta at maayos ang alokasyon.
Nilinaw din na kasama na sa regular na budget ng bawat ahensiya ang mga umento sa sahod ng mga kasalukuyang kawani ng gobyerno, sibilyan man o unipormado, at wala itong ipinagpaliban o binawasan.
Dagdag pa ng DBM, may nakalaang P71.1 bilyon para sa unang tranche ng base pay increase at iba pang benepisyo ng MUPs, kabilang ang pagtaas ng subsistence allowance.
Mayroon ding P4.06 bilyon para sa pagkuha ng mahigit 10,000 karagdagang MUPs sa iba’t ibang ahensiya tulad ng AFP, PNP, BJMP, BuCor, at Philippine Coast Guard.
Bagama’t hindi maaapektuhan ang pensyon ng kasalukuyang uniformed retirees, posibleng maapektuhan ang ilang bagong magreretiro sa ilalim ng optional retirement scheme.
Muling iginiit ng DBM na walang pondong binawas at ang mga pagbabago ay bahagi lamang ng pagsasaayos ng budget upang matiyak na hindi napapabayaan ang kapakanan ng mga naglilingkod sa bansa.










