TUGUEGARAO CITY- Nagpaliwanag si Dr. Glenn Mathew Baggao, medical center chief ng Cagayan Valley Medical Center o CVMC kaugnay sa mga reklamo na natatagalan ang paglabas ng resulta ng swab test.

Sinabi ni Baggao na nagsagawa sila ng pag-aaral sa mga nasabing reklamo at dito nila napag-alaman na hindi ang molecular laboratory ang may pagkukulang sa mga delay.

Ayon sa kanya, matagal na dinadala sa molecular laboratory ng mga LGUs o mga RHUs ang mga specimen ng mga nagpa-swab.

Sinabi niya na may mga nagfa-follow-up ng resulta ng swab test sa molecular lab at kung titignan nila ang sinasabing specimen ay hindi pa naipapadala sa laboratory.

Kasabay nito, umapela si Baggao sa mga nagrereklamo na mga covid-19 patients na hindi umano sila agad inaasikaso na unawain ang sitwasyon.

-- ADVERTISEMENT --

Iginiit ni Baggao na kung may tawag ang isang pasyente ay kailangan pang magsuot ng PPE ng mga mag-aasikaso bago puntahan ang mga pasyente.

Sinabi niya na ginagawa ng mga medical staff ang lahat ng kanilang makakaya upang mabigyan ng serbisyo ang mga covid-19 patients.

Idinagdag pa ni Baggao na kukuha sila ng karagdagang mga medical staff at mga drivers ng ambulance matapos na pagbigyan ang kanilang hiling na karagdagang pondo.

Sinabi niya na ito ay upang matiyak na matugunan ang lahat ng mga serbisyo hindi lamang sa mga covid-19 patients kundi sa iba pang mga pasyente.