Nakatakdang magsagawa ng deliberasyon sa apat na impeachment complaints laban kay Vice President Sara Duterte ang House justice committee sa March 2, 2026.

Mabibigyan ng pagkakataon si Duterte na sumagot sa mga impeachment complaint laban sa kanya, subalit nasa kanyang pagpapasiya kung gusto niya o hindi na dumalo sa pagdinig, ayon kay Batangas Rep. Gerville Luistro, chair ng committee on justice.

Nahaharap si Duterte sa mga alegasyon ng betrayal of public trust, bribery, graft and corruption, kabilang ang misuse of P612 million na confidential funds.

Nilinaw ni Luistro na iimbitahan si Duterte sa pagdinig kung madedetermina na ang mga reklamo laban sa kanya ay sufficient in form and substance.

Magpapadala sila ng notices kay Duterte para makapaghain siya ng kanyang sagot, at sa mga complainants na magsumite ng kanilang tugon.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi ni Luistro na ang presensiya ni Duterte sa hearing ay bahagi ng kanyang karapatan sa due process.

Idinagdag pa ni Luistro na hindi malinaw sa House rules kung maaari na ang mga abogado ni Duterte ay dadalo sa pagdinig, subalit kung may kahilingan mula sa kanyang kampo, pagpapasiyahan ito ng komite.

Sinabi ni Luistro, sasabihin nila ang dismissal ng mga reklamo kung makita sa pagdinig na ang mga ito ay insufficient in form and substance.

Subalit kung ang mga ito ay sufficient in form and substance, ipapaalam ito kay Duterte para makapagbigay siya ng kanyang sagot sa loob ng 10 araw.

Kasunod nito, isusulong ang pagdinig ng komite sa mga reklamo para tukuyin kung may probable cause para sa pagbalangkas ng article of impeachment.