Huli ang 26-anyos na delivery rider na naaktuhang tumanggap ng padala na naglalaman ng kumpirmadong shabu sa isang bus terminal sa Tuguegarao City.

Ayon kay PCAPT Isabelita Gano, tagapagsalita ng Cagayan Police Provincial Office, nakatanggap ng impormasyon ang Tuguegarao City Police kaugnay sa padala na naglalaman ng droga mula Maynila.

Dahil dito, ikinasa ang operasyon sa terminal ng pampasaherong bus sa Diversion Road, Brgy Balzain West kung saan sumipot ang lalaking consignee at kumuha ng padala na kinilalang si alyas ‘Michael’.

Nang buksan ang brown paper bag, nadiskubre sa loob ang isang plastic sachet na isiniksik sa doormat at kalaunan ay nakumpirmang shabu ang laman nito base sa chemical laboratory analysis ng Philippine Drug Enforcement Agency na may timbang na 0.98 grms.

Sinabi ni Gano na itinanggi ng suspek ang mga alegasyon laban sa kanya at sinabing inutusan lamang umano siya para kunin ang padala kahit pa nakapangalan ito sa kanya.

-- ADVERTISEMENT --

Sa ngayon ay nakasuhan na ang suspek ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act habang patuloy na inaalam ng pulisya ang pagkakakilanlan ng nagpadala.