Sinampahan ng kasong Obstruction of Justice ang isang lalaking nagpanggap na biktima ng robbery hold-up sa lungsod ng Tuguegarao matapos ipatalo sa online sabong ang koleksyon nito mula sa pagiging delivery rider.
Ayon kay PLT Rosemarie Taguiam, tagapagsalita ng PNP Tugeugarao, unang nagreport sa pulisya ang nagpanggap na biktimang si Hince Bueno, rider at residente ng Brgy. Leonarda na siya ay hinarang ng mga nakasakay ng motorsiklo at tinangay ang kanyang P9,000 na collection kasama ng kanyang mga gamit at motorsiklo.
Kalaunan ay nagsadya aniya ang mismong ina ni Bueno sa tanggapan ng pulisya at isinalaysay ang katotohanan at nagawa lamang iyon ng kanyang anak dahil nagastos na niya ang pera.
Nabatid pa mula sa ina ni Bueno na ang kanyang motorsiklo ay hindi rin tinangay ng mga sinasabi nitong hold-uper bagkus ay isinangla niya ito.
Nang imbestigahan ito ng pulisya ay sinabi mismo ng pinagsanglaan nito na P6,000 ang halagang pinangsangla sa kanyang motor.