TUGUEGAGARAO CITY- Nakapagtala ng 29 na pasyente ng dengue ang Cagayan Valley Medical Center o CVMC ngayong buwan ng Abril, pinakamataas na bilang mula buwan ng Enero hanggang Marso.
Gayonman, sinabi ni Dr. Glenn Mathew Baggao, medical center chief na ang pagdami ng kaso ng dengue ay hindi pa umano maituturing na may outbreak ng nasabing sakit na nakukuha mula sa kagat ng mga lamok.
Sa nasabing bilang na na-admit sa CVMC, dalawa na lamang ang naiwan dahil nakalabas na ang iba pang pasyente.
Sinabi pa ni Baggao na ang magandang balita dito ay wala pang naitatalang mortality dahil sa dengue sa CVMC.
Ayon kay Baggao, karamihan ng mga pasyente ay mula sa Cagayan na 22, anim sa Isabela at dalawa sa Apayao.
Kaugnay nito, sinabi ni Baggao na araw-araw na nagsasagawa ng blood letting acitvity ang kanilang blood bank upang makalikom ng mga dugo hindi lamang para sa mga may dengue kundi sa iba pang pasyente na mangangailangan.
Subalit, sinabi niya na kailangan ng isang donor kung masasalinan ng dugo ang isang pasyente na may dengue dahil sa platelet ang kailangan.
Ayon sa kanya, tanging ang CVMC lamang ang may makina na naghihiwalay sa platelet sa dugo.
Samantala, sinabi ni Dr. Baggao na wala na silang covid-19 patient sa CVMC.
Dahil dito, inaayos na ang mga pasilidad na ginamit bilang covid-19 wards para sa iba pang mga pasyente.
Subalit, sinabi niya na nag-iwan pa rin sila ng mga isolation beds upang may magamit kung sakali na mayroon na namang magpopositibo sa nasabing sakit.