TUGUEGARAO CITY-Posibleng ideklara ang dengue outbreak sa sitio Abaka,Quibal,Peñablanca,Cagayan.
Sinabi ni Romeo Pagulayan,punong barangay ng Quibal na nakakaalarma ang dinapuan ng dengue sa lugar na 16 sa loob lang ng mahigit isang buwan.
Ayon kay Pagulayan, ang unang biktima ng dengue ay nanggaling sa Tuguegarao City at sa mga sumunod na mga araw ay nagka-dengue na rin ang mga kapitbahay nito.
Idinagdag pa ni Pagulayan na may isa pang dinala sa pagamutan kahapon na nakaranas ng simtomas ng dengue subalit hindi pa makumpirma kung ito nga ay dengue.
Dahil dito,sinabi niya na nakipag-ugnayan na siya sa kanilang Municipal Health Office at sa Department of Health upang matignan ang sitwasyon sa nasabing sitio at sila na ang magpapasiya kung kailangang magdeklara ng dengue outbreak.
Sinabi pa niya na nagsagawa na rin sila ng paunang mga hakbang sa lugar upang maiwasan ang pagkalat pa ng dengue.