
Naglatag ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) ng mga early warning system sa ilang rehiyon upang mabantayan ang posibleng epekto ng matinding El Niño at maagapan ang malawakang pinsala sa kapaligiran.
Ayon kay DENR Secretary Juan Miguel Cuna, gumagamit ang mga sistema ng automated weather stations, satellite-based heat monitoring at Geographic Information System o GIS upang matukoy ang mga lugar na nanganganib sa matinding init, sunog at kakulangan sa tubig.
Sa Ilocos Region, inilunsad ang Red Flag Alert system upang maagang matukoy ang posibleng sunog sa kagubatan. Sa Aurora naman, minomonitor ang temperatura ng dagat at naglalabas ng coral bleaching alerts upang maprotektahan ang mga bahura.
Ginagamit din sa Agusan Marsh sa Caraga ang datos mula sa automated weather stations upang mabantayan ang matinding init, kakulangan sa ulan at pagbabago sa lebel ng tubig. Sa Bicol Region, tinutukoy naman ang mga natutuyong sapa, tuyong kagubatan at mabababaw na bahura sa Catanduanes at Masbate.
Nagbabala ang weather bureau na maaaring tumagal ang El Niño hanggang Marso o Hunyo 2027. Inaasahang makararanas ng mas kaunting ulan ang humigit-kumulang 40 probinsya, habang posibleng umabot sa 38.7 degrees Celsius ang temperatura ng hangin sa Marso.
Maaari ring pumalo sa 45 hanggang 52 degrees Celsius ang heat index, kaya pinaigting ng DENR ang pagbabantay upang maprotektahan ang mga kagubatan, yamang-tubig at mga komunidad sa baybayin.




