Hinimok ng mga opisyal ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa Cagayan Valley ang mga lokal na opisyal at komunidad sa tatlong coastal areas ng Isabela na patuloy na pangalagaan ang Northern Sierra Madre Natural Park (NSMNP).

Ang NSMNP ay isa sa pinakamalaking protected area sa Pilipinas na sumasaklaw sa humigit-kumulang 360,000 ektarya kung saan makikita ang diverse forest ecosystems.

Sa kaniyang pagbisita sa mga coastal areas ng lalawigan ng Isabela, binigyang diin ni Regional Executive Director Gwendolyn Bambalan ng DENR Region 2 na ito ang unang pagkakataon na makakita ng kagubatan na kasinglawak ng Northern Sierra Madre Natural Park kung kayat ipinanawagan niya ang patuloy na pagprotekta sa naturang kagubatan.

Binigyang-diin ni Bambalan ang mahalagang papel ng parke sa paglaban sa pagbabago ng klima.

Aniya ang mayaman at malalawak na kagubatan ng NSMNP ay may malaking papel sa carbon sequestration.

-- ADVERTISEMENT --

Giit ni Bambalan na ito ay nagsisilbing natural-based at pinaka-ekonomikong solusyon upang labanan ang pagbabago ng klima.

Bilang bahagi ng pagdiriwang ng Month of the Ocean, bumisita si Bambalan at iba pang opisyal ng DENR Region 2 sa mga bayan ng Palanan, Divilacan, at Maconacon upang subaybayan ang mga aktibidad at proyektong pangkalikasan.

Sa Palanan, ang mga kalahok mula sa Local Government Unit (LGU), Philippine National Police, mga empleyado ng DENR, at mga residente ay nagtanim ng humigit-kumulang 100 na Barringtonia asiatica seedlings sa tabi ng Culasi River.

Nakipagpulong din ang mga opisyal ng DENR sa Bicobian Weavers Association sa Divilacan, isang people’s organization na nakikinabang sa proyekto ng Biodiversity-Friendly Social Enterprise ng DENR.

Nagsagawa rin ng clean-up activity sa Maconacon, na pinangunahan ng LGU.

Magkatuwang din na binabantayan ng DENR at LGU ang isang bagong mangrove plantation sa lugar.