Pinabulaanan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) RO2 ang ulat kaugnay sa umano’y ilegal logging ang dahilan ng malawakang pagbaha sa rehiyon.

Sa isang pahayag, nilinaw ni DENR Regional Director Atty. Antonio Abawag na mga nabunot na puno at dead woods ang mga nagsilutangang kahoy na naanod sa kasagsagan ng baha sa Isabela at Cagayan.

Ito aniya ang resulta ng isinagawang assesment ng DENR kung saan sunod -sunod na bagyo ang tumama sa rehiyon kung kaya lumambot ang lupa na dahilan ng pagguho nito at pagkabunot ng mga puno na kasamang tinangay ng tubig-baha.

Nauna na rin na nagbigay ng direktiba si Abawag sa mga Provincial and Community Environment and Natural Resources Officers na mas paigtingin pa ang kampanya para sa pangangalaga ng kagubatan at pagpapatupad ng batas laban sa ilegal na pagputol ng kahoy sa rehiyon, katuwang ang Philippine Army at Philippine National Police.

Una rito, isinisi ni Cagayan Governor Manuel Mamba at ilang netizens sa illegal logging activities ang dahilan ng malawakang pagbaha kasabay ng pagka-anod ng mga naglalakihang troso mula sa kabundukan.

-- ADVERTISEMENT --