![](https://img.bomboradyo.com/tuguegarao/2020/10/images-2.jpg)
TUGUEGARAO CITY-Muling nagpaalala ang Department of Environment and Natural Resources (DENR)sa posibleng kakaharaping parusa ng mga mahuhuling illegal na nangongolekta ng mga nanganganib ng maubos na uri ng halaman.
Babala ng DENR mapaparusahan sa ilalim ng Republic Act 9147 o Wildlife Resources Conservation and Protection Act ang mga nangongolekta at nagbibenta ng mga halaman na kabilang sa mga threatened species.
Ayon kay Atty. Ismael Manaligod ng PENRO Cagayan na maaaring pagmultahin ng mula P100,000 hanggang P1M o pagkakakulong ng anim hanggang dalawampu’t dalawang taon ang sinumang mahuhuli na nangongolekta o nagbebenta ng mga critically endangered na halaman.
Kaugnay nito, ipinaskil ng ahensya sa kanilang facebook page ang mga threatened species o nanganganib ng maubos na uri ng mga halaman.
Kabilang sa mga binabantayang critically endangered na halaman ay ang mga orchid, forest flora, maging ang mga halamang ginagawang bonsai na matatagpuan sa mga kagubatan ng bayan ng Baggao, Penablanca at Gattaran o ang mga kabundukan na sakop ng Sierra Madre.
Ginawa ng DENR ang babala dahil naging patok sa mga mamamayan ang pag-aalaga o pangongolekta ng ibat ibang uri ng halaman kasama na ang mga endangered species ngayong panahon ng pandemya.
Inatasan din umano ng naturang ahensya ang mga nagsasagawa ng checkpoints na higpitan ang pagbabantay laban sa mga nagbibiyahe ng mga uri ng halaman na nanganganib na maubos. with reports from Bombo Marvin CAngcang