Nag-donate ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) Region 2 ng mahigit 78,000 board feet ng lumber materials na nagkakahalaga ng P4.6 million pesos na gagamitin sa muling pagtatayo ng mga bahay at paaralan na sinalanta ng mga nagdaang bagyo sa Batanes at Cagayan.

Ayon sa DENR Region 2, may kabuuang 4,791 piraso ng wood lumber materials o katumbas ng 63,260 board feet ang ipinagkaloob sa Pamahalaang Panlalawigan ng Batanes para sa pagkukumpuni at pagtatayo ng mga tahanan sa mga islang munisipalidad ng Basco, Itbayat, Ivana, Mahatao, Sabtang, at Uyugan na matinding hinagupit ng Bagyong Julian.

Samantala, ang Department of Education (DepEd) ay nakatanggap ng mahigit 1,000 piraso ng tabla na may kabuuang bulto na 14,879.92 board feet.

Gagamitin naman ang maga naturang kahoy para mas mabilis ang rehabilitasyon ng mga paaralan sa Ikalawang Distrito ng lalawigan ng Cagayan na dumanas ng matinding pinsala ng Bagyong Marce .

Ayon kay Regional Executive Director Gwendolyn Bambalan ng DENR Region 2, ang mga wood lumber materials ay galing sa mga nakumpiskang forest products na may Orders of Finality sa ilalim ng kustodiya ng DENR sa mga lalawigan ng Cagayan, Isabela, Quirino at Nueva Vizcaya, gayundin ang turn-over logs mula sa mga kumpanya ng minahan sa lalawigan ng Nueva Vizcaya.

-- ADVERTISEMENT --

Binigyang-diin ni naman ni Environment Secretary Maria Antonia Yulo Loyzaga ang kahalagahan ng whole-of-government approach sa disaster risk reduction, recovery at reconstruction.

Ayon sa DENR na pinuri ng kalihim ang collaborative efforts ng DENR Region 2, Office of Civil Defense, Philippine Navy at Air Force, at Philippine National Police sa pagtulong sa mga biktima ng magkakasunod na kalamidad para sa mas mabilis nilang pagbangon.

Pinasalamatan naman ni Direktor Bambalan ang mga kinauukulan na naging katuwang ng ahensiya para maidala ang mga nasabing donasyon sa mga apektadong lugar.

Nakatakda namang gawing pormal ng DENR Region 2, sa pamamagitan ni Director Bambalan, ang Deed of Donation kasama sina Governor Marilou Cayco ng Batanes at DepEd Regional Director Benjamin Paragas sa magkahiwalay na seremonya.