Nagsagawa ng pamamahagi ng titulo ng lupa ang Department of Environment and Natural Resources o DENR Region 2 sa mga benepisyaryo sa lalawigan ng Cagayan, kasabay ng pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan.

Sinabi ni Enrique Pascion, OIC ng Provincial Environment and Natural Resources o PENR Cagayan na 91 na titulo ang natapos na naiproseso ng tanggapan sa Registry of Deeds.

Ayon sa kanya, ang mga titulo ay kinabibilangan ng residential at agricultural lands at mayroon ding special patent o ang mga lugar na inookupahan ng mga eskwelahan at government agencies.

Sinabi niya na mabilis lamang ang pagproseso ng mga titulo ng lupa kung lahat ng gusot ay naayos na kung saan aabutin lamang ito ng 120 na araw.

Pinayuhan naman ni DENR regional executive director Gwendolyn Bambalan ang mga benepisyaryo na pagyamanin ang kanilang mga lupa sa pamamagitan ng pagtatanim ng mga puno.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon naman sa Registry of Deeds, dapat na pag-ingatan ng mga benepisyaryo ang kanilang natanggap na mga titulo dahil ito ang patunay na sa kanila na ang lupa na kinatitirikan ng kanilang bahay o istratukra o lupang tinatamnan.

Samantala, bukod sa pamamahagi ng titulo ng lupa, namigay din ang DENR ng mga seedlings ng narra, molave at dao.

Nagkaroon din ng symposium tungkol sa pagpapatitulo ng lupa at wildlife conservation.