Magbabalik ang Department of Agriculture (DA) sa pagbebenta ng P20 kada kilong bigas sa 32 Kadiwa Centers sa Luzon matapos ang midterm elections ngayong Mayo 2025.

Ayon kay DA Assistant Secretary Genevieve Guevarra, magsisimula ang muling paglulunsad sa Mayo 13 sa piling lungsod ng Metro Manila tulad ng Caloocan, Las Piñas, Mandaluyong, Navotas, Pasay, at Quezon City, habang susunod naman ang 23 iba pang lugar sa Luzon sa Mayo 15.

Una itong ipinatigil kasunod ng mungkahi ng Comelec na ilipat ang programa upang hindi ito ma-politika ngayong eleksyon.

Tiniyak ng DA na ligtas kainin ang P20 bigas na ibinebenta, na galing sa aging stocks ng National Food Authority (NFA) na sumailalim sa quality control.

Ayon kay Guevarra, ito ay bigas na hindi gaanong pinino kaya bahagyang mas madilim ang kulay, ngunit may kalidad at mas mababa ang presyo dahil hindi nagamit bilang buffer stock para sa kalamidad.

-- ADVERTISEMENT --

Target ng programa na matulungan ang tinatayang dalawang milyong mahihirap na pamilya sa Metro Manila, kung saan bawat pamilya ay maaaring bumili ng hanggang 30 kilo kada buwan.

Plano rin ng DA na palawakin ang programa sa pakikipagtulungan sa iba pang retailers.