Patuloy ang panghihikayat ng Department of Agriculture (DA) Region 2 sa mga magsasaka na gumamit ng organic fertilizer upang maiwasang maapektuhan sa mataas na presyo ng mga abono sa merkado.
Ayon kay George Caday focal person ng orgnic agriculture program ng DA Region 2, layunin din nito na matulungan ang mga magsasaka at hindi masiyadong umasa sa inorganic fertilizer lalong lalo na at mabigat ito sa bulsa gawa ng nanggagaling ito sa ibang bansa.
Bukod sa makakatipid na ang mga magsasaka ay makakatulong din ito upang mas mapangalagaan pa ang lupa, pananim at sa mga aanihin dahil wala itong halong chemical.
Dahil dito puspusan ang pamamahagi ng composting facility na ginagamit sa paggawa ng organic fertilizer at sa katunayan ay nasa mahigit 250 na mga units nito simula noong 2015 ang naipamahagi na at ngayong 2024 ay may karagdagan pang 250 units.
Bago aniya matanggap ng mga qualified beneficiaries ang nasabing pasilidad ay kailangan munang dumaan sa pagsasanay sa mga learning sites sa ilalim ng mga partner state universities.
Sinabi rin nito na maaaring gamitin sa lahat ng pananim gaya ng mais, palay at gulay ang mga organic fertilizer.