TUGUEGARAO CITY- Maaari nang makautang ang mga magsasaka na may sakahan na hindi hihigit sa isang ektarya sa Department of Agriculture.
Sinabi ni Dr. Rocky Valdez, director ng National Food Authority Region 2 na ito ang kanilang pinag-usapan kasama si DA Secretary William Dar sa kanilang pulong sa Ilagan, Isabela.
Ayon kay Valdez, ang nasabing programa ng DA ay para matulungan ang mga maliliit na magsasaka kasunod ng pag-apruba sa Rice Tarrification Law na nagbunsod para mababa na ang bilihan ng mga traders sa mga palay ng mga magsasaka.
Nilinaw ni Valdez na ang nasabing pautang ay para makatulong sa production o paghahanda ng mga magsasaka sa kanilang sakahan sa halip na umutang pa sa mga traders na mataas ang interest.
Sinabi ni Valdez na ang ipapautang sa mga magsasaka ay P15,000 na babayaran ng magsasaka sa loob ng dalawang taon na walang interest.
Bukod dito, sinabi ni Valdez na iniutos sa kanila ni Dar na gawing priority ang local production sa kanilang procurement.
Kasabay nito, sinabi ni Valdez na isang paraan lang ito ng DA upang matulungan ang mga magsasaka dahil wala naman sa kanilang kontrol ang presyuhan ng bigas sa merkado.