Nilinaw ng Department of Agriculture (DA) nitong Sabado na ang deklarasyon ng food security para sa bigas ay ipatutupad lamang sa mga lugar na nakakaranas ng matinding pagtaas ng presyo ng bigas.
Ayon kay DA Spokesperson Asec. Arnel de Mesa, ang hakbang na ito ay alinsunod sa Republic Act (RA) 12078, na nag-amyenda sa Rice Tariffication Law, na nagbibigay kapangyarihan sa Secretary ng Agrikultura na magdeklara ng food security emergencies sa mga lugar na may kakulangan sa suplay o hindi pangkaraniwang pagtaas ng presyo.
Sa isang pahayag nitong Biyernes, sinabi ni DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na ang gobyerno ay maaaring magdeklara ng rice emergency sa Martes, matapos maglabas ang National Price Coordinating Council ng resolusyon na nagrerekomenda ng hakbang dahil sa “extraordinary increase” sa presyo ng bigas sa mga ilang lugar.
Kapag naipatupad na aniy ang rice emergency declaration, ipagbibili ng National Food Authority (NFA) ang kanilang mga stock ng bigas sa halagang P36 kada kilo sa mga ahensya ng gobyerno at lokal na pamahalaan, at P38 kada kilo naman sa mga mamimili.
Tiniyak naman ni Laurel na may sapat na suplay ang NFA, na mayroong 300,000 toneladang stock na ilalabas upang matugunan ang pangangailangan ng bansa.
Binanggit ni Laurel na ang mga NFA rice stocks ay tinitiyak na hindi luma, may mataas na kalidad, at maayos ang pag-iingat upang matugunan ang mga pangangailangan ng mamimili.