Hindi inaasahan ng Department of Energy o DOE ang kasinglaking pagtaas ng presyo ng langis na naranasan noong Marso, ngunit hindi rin nito nakikitang babalik sa pre-war levels ang presyo ng fuel bago matapos ang taon.

Ayon kay Energy Secretary Sharon Garin, maaaring tumaas ng mahigit ₱4 kada litro ang gasolina, mahigit ₱8 ang diesel at hindi bababa sa ₱6 ang kerosene ngayong linggo.

Gayunman, sinabi ni Garin na hindi inaasahang aabot muli sa ₱20, ₱30 o ₱40 kada litro ang lingguhang dagdag-presyo gaya noong kasagsagan ng tensyon sa Middle East noong Marso at Abril.

Aniya, nananatiling volatile ang international oil market dahil sa nagpapatuloy na kaguluhan sa Middle East, habang nakadaragdag din sa presyo ang mataas na halaga ng dolyar.

Sinabi rin ng kalihim na posibleng manatiling mataas ang presyo ng langis hanggang Pasko, maliban na lamang kung magkaroon ng kasunduang pangkapayapaan ang mga bansang sangkot sa sigalot.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, sertipikado na ng DOE na lumampas sa $80 kada bariles ang Dubai crude oil price, na maaaring maging batayan para sa muling pagsususpinde ng excise tax sa kerosene at LPG. Gayunman, wala pa ring direktiba mula kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ukol dito.