Binuksan ng Department of Health ang BUCAS Center o Bagong Urgent Care and Ambulatory Services sa Sitio Barung, Brgy. Nangalasawan, Amulung, Cagayan.
Sa isinagawang inauguration, sinabi ni Health Undersecretary Glenn Mathew Baggao, na ito ang ika-30 BUCAS center na mabuksan sa buong bansa.
Habang ito ang pangalawang BUCAS facility na itinatag sa Rehiyon Dos kasunod ng kahalintulad na health care facility na binuksan sa bayan ng Mallig, Isabela nitong nakalipas na buwan.
Ang BUCAS Center ay bahagi ng DOH Modernization for Health Equity ni DOH Secretary Teodoro Herbosa at “28 for 28 by 28” na inisyatiba para tumulong sa pagtupad ng kanyang 8-Point Action Agenda for Health; na target sa pagtatatag ng hindi bababa sa 28 BUCAS Centers upang pagsilbihan ang 28 milyong Pilipino na higit na nangangailangan ng accessible at de-kalidad na serbisyo sa pangangalagang pangkalusugan sa 2028.
Ang BUCAS Center ay isang intermediate na pasilidad sa kalusugan na layong punan ang puwang sa pagitan ng mga primary care facility tulad ng rural health units o city health centers at mas mataas na antas ng health institutions o mga ospital sa pamamagitan ng pagbibigay ng urgent health care services.
Pangangasiwaan naman ng Cagayan Valley Medical Center o CVMC ang operasyon ng naturang outpatient facility kung saan maaaring ma-avail ang X-ray, ultrasound, may hematology, chemistry, minor operations, libreng gamot at vaccination sa mga bata.
Binigyang diin ni Dr. Cherry Lou Antoni, medical center chief ng CVMC na layunin din ng proyektong ito na mabawasan ang mahabang pila ng mga pasyente na nagpapakonsulta sa naturang pagamutan.
Pinasalamatan naman ni Dr. Amelita Pangilinan, regional director ng DOH Region 2 ang inisyatiba ni 3rd district Jospeh “JoJo” Lara na tumulong para maipatayo ang nasabing pasilidad.
Nabatid na idinonate ng pamilya Lara ang lupa na pinagpatayuan sa nasabing health care facility at tumulong din ang mambabatas sa pondo na ginamit sa konstruksiyon ng proyekto.
Sinabi naman ni Lara na malaking tulong ang proyekto para maisalba ang buhay ng mga mamamayan sa oras ng emergency dahil nailapit ang health services sa komunidad.
Umaasa naman ang opisyal na mas lalo pa itong maimprove para mapakinabangan ng mga mamamayan ng amulung at ng karatig na bayan nito.
Ayon kay USEC Baggao na umaasa ang kagawaran na mayroon pang mga kahalintulad na proyekto ang maipapatayo lalo na sa mga liblib na lugar kung saan bahagi ito ng mga ikinakasang programa ng gobyerno upang mapabuti ang health care system ng bansa.